PAGPAPALALIM: Retorika at ang gawaing kaugnay dito

assessment

GAWAIN : Paglinang ng Talasalitaan

Basahin at unawain ang pangungusap sa bawat bilang at ibigay ang kahulugan ng mga salitang initiman batay sa pagkakagamit nito sa pangungusap. Isulat ang iyong sagot sa sagutang papel. Inilagay niya ang buong buhay niya sa alanganing katayuan, nakipagsapalaran sa paglagda sa gayong hindi niya natitiyak kung matutupad o hindi ang nilagdaan at ngayo’y nanggigipuspos siya dahil sa mga hirap na maaari pa niyang sapitin, ng nakaambang pagdurusa ng pangitain ng bukas na puspos ng pagsasalat at paghihirap ng kalooban.

1. Sinubok niyang isuot ang hiyas sa harap ng salamin, nagbabantulot siya at hindi mapagpasyahan kung ang mga iyon ay isasauli o hindi.

2. May taglay siyang alindog na hindi nababagay sa kasalukuyan niyang kalagayan kaya’t ipinaghihinagpis niya ang karukhaan ng kaniyang lumang tahanan.

3. Malimit na sa pagmamasid niya sa babaeng Briton na siyang gumaganap ng ilang abang pangangailangan niya sa buhay ay nakadarama siya ng panghihinayang at napuputos ng lumbay ang kaniyang puso kapag naiisip ang mga pangarap niya sa buhay na hindi yata magkakaroon ng katuparan.

4. “O, kahabag-habag kong Matilde! Ang ipinahiram kong kuwintas sa iyo ay imitasyon lamang, puwit lamang ng baso.

5. Naglalaro sa kaniyang balintataw ang anyo ng tahimik na tanggapang nasasabitan ng mamahaling kurtina, pinaliliwanag ng matatangkad na kandilerong bronse at may nagtatanod na dalawang naglalakihang bantay na dahil sa init ng pugon ay nakatulog na sa dalawang malaking silyon.

6. Kung kani-kanino siya nanghiram, lumagda sa mga kasulatan, pinasok kahit na ang mga gipit na kasunduan, kumuha ng mga patubuan at pumatol sa lahat ng uri ng manghuhuthot.

7. Sa harap ng gayong nakagigimbal na pangyayari, si Matilde ay maghapong naghihintay na sapupo ng di-matingkalang pangamba.

8. Labis ang pagmimithi niyang masiyahan siya, maging kahali-halina, kaibigibig, maging tampulan ng papuri at pangimbuluhan ng ibang babae.

9. Nagulumihanang napahinto ang lalaki nang makita niyang umiiyak ang asawa.

GAWAIN : Unawain Mo

Sagutin ang sumusunod na tanong.

1. Bakit hindi masaya si Matilde sa piling ng kaniyang asawa?

2. Ano ang ginawa ni G. Loisel upang mapapayag ang asawa na dumalo sa kasayahang idaraos ng kagawaran?

3. Ano-ano ang nais mangyari ni Mathilde sa kaniyang buhay? Natupad ba ang mga ito?

4. Kung ikaw si Mathilde, ano ang gagawin mo upang matupad ang mga pangarap mo sa buhay?

5. Sa kasalukuyang panahon, sa iyong paligid ba ay may mga Matilde kang nakikita? Ilarawan.

6. Anong pag-uugali ng mga pangunahing tauhan ang masasabi mong tatak ng kanilang kultura? May pagkakatulad ba o pagkakaiba ito sa ating kultura? Patunayan.

 

 

teaching

Pagsasanib ng Gramatika at Retorika

Marahil ay napansin mo ang mga salitang ginamit bilang panuring sa mga tauhan sa kuwentong “Ang Kuwintas.” Nakatulong ba ang mga ito sa malinaw na paglalahad ng mga pangyayari sa kuwento? Tunghayan mo ang kasunod na aralin tungkol dito at pagkaraan ay sagutin ang mga pagsasanay na kasunod.

Alam mo ba na… ang isang babasahin o teksto ay binubuo ng magkakahiwalay na mga pangungusap o sugnay? Ang mga pangungusap o sugnay na ito bagaman magkakahiwalay ay pinagdugtong o pinag-uugnay ng mga gamit pang-ugnay o kohesyong gramatikal. Ginagamit na pang-ugnay na ito ay referents o reperensiya na kung tawagin ay anapora at katapora.

Ang anapora ay mga reperensiya na kalimitan ay panghalip na tumutukoy sa mga nabanggit na sa unahan ng teksto o pangungusap. Narito ang mga halimbawa ng anapora.

1. Karamihan sa mga tao ay ikinakabit ang kulturang Pranses sa Paris. Ito ang sentro ng moda, pagluluto, sining at arkitektura.

2. Ang France ay una nang tinawag na Rhineland. Noong panahon ng Iron Age at Roman era, ito ay tinawag na Gaul. Pansinin na sa unang halimbawa, ang pangngalang Paris sa unang pangungusap ay hinalinhan ng panghalip na ito samantalang sa ikalawang pangungusap ang France ay pinalitan din ng panghalip na ito.

3. Hindi nakapagtataka ang matinding pagnanais ni Matilde na magkaroon ng magarang damit para sa kasayahan. Siya ay isang babaing Frances na kilala sa pagkakaroon ng pinakamaiinam na moda sa pananamit.

4. Marami sa mga kilalang artist ng kasaysayan, kabilang na ang Espanyol na sina Picasso at Dutch-born Vincent van Gogh ay naghanap ng inspirasyon sa Paris, at sila rin ang nagpasimuno ng impressionism movement.

Suriin ang mga panghalip na siya sa ikatlong halimbawa at sila sa ikaapat na halimbawa. Ang mga panghalip na ito ay ginamit bilang panuring sa mga ngalan ng tao na binanggit sa unahan. Ang mga ito ay mga panghalip na ginamit bilang panuring sa tauhan.

Ang katapora naman ay mga reperensiya na bumabanggit, at tumutukoy sa mga bagay na nasa hulihan pa ng teksto o pangungusap. Narito ang mga halimbawa ng katapora:

1. Sila ay sopistikado kung manamit. Mahilig din sila sa masasarap na pagkain at alak. Ang mga taga-France ay masayahin at mahilig dumalo sa mga kasayahan.

2. Labis ang kaniyang pagdurusa at paghihinagpis dahil sa may paniniwala siyang isinilang siya sa daigdig upang magtamasa nang lubos na kaligayahan sa buhay. Taglay ni Mathilde ang alindog na hindi nababagay sa kasalukuyang kalagayan sa buhay.

Sa mga halimbawang binanggit ang panghalip na sila, ay ginamit bilang panuring sa pangngalang taga-France samantalang ang panghalip na siyang at siya sa ikalawang halimbawa ay ginamit namang panuring sa pangalang Mathilde.

Nakababagot na mabasa at marinig ang mga salitang paulit-ulit na ginagamit sa isang teksto o pahayag. Maiiwasan ang paulit-ulit na pagbanggit ng mga ito kung gagamit tayo ng panghalip. Tandaan na ang mga panghalip ay hindi lamang ginagamit na panghalili sa pangngalang binanggit sa unahan ng pangungusap. Ito’y maaaring ipalit sa pangngalang nasa hulihan din ng pangungusap. Anapora ang tawag dito kapag ito ay pamalit o pagpapatungkol sa pangngalang ginamit sa unahan at katapora naman kapag ito ay pamalit o pagpapatungkol sa pangngalang ginamit sa hulihan nito. Pag-aralan ang kasunod pang mga halimbawa ng anapora at katapora.

1. “O, kahabag-habag kong Mathilde! Ang ipinahiram kong kuwintas sa iyo ay imitasyon lamang, puwit lamang ng baso.”

2. Labis ang pagdurusa at paghihinagpis ni Mathilde dahil sa may paniniwala siyang isinilang siya sa daigdig upang magtamasa ng lubos na kaligayahan na maidudulot ng salapi.

3. Sa halip na matuwa, na siyang inaasahan ng lalaki ay padabog na inihagis ni Mathilde ang paanyaya.

4. Pagalit na pinagmasdan niya ang asawa at sinabi ni Mathilde sa asawa na, “Ano ang isasampay ko sa aking likod?”